Sabado, Enero 23, 2016

TALUMPATI: Kahulugan




REFLECTION PAPER: Pagsulat ng Talumpati

                                                                  TALUMPATI

                                         Ang pagsulat ay isang paglalarawan ng wika sa tekstuwal na tagapamagitan sa pamamagitan ng paggamit ng isang pangkat ng mga tanda o sagisag katulad ng mga titik at bantas. Napakalaking kahalagahan ang naidudulot ng pagsulat sapagkat sa pamamagitan nga nito ay nakakalikha tayo ng mga bagay na nakakatulong sa pag-unlad, pagbabago at pagsulong ng bago at modernong mundo.
                              Ang aking napiling artikulo ay ang “Pagsulat ng Talumpati” ni Estrella E. Gonzales. Sinasabing ang talumpati ay isang uri ng panitikan na ginagamit upang basahin o bigkasin sa harap ng madla. Ang tanging layunin nito ay ang makahikayat ng mga tagapakinig sa malinaw at maayos na paglalahad ng mga katwiran. Ito ay may apat na bahagi, ang Panimula na sinasabing hudyat ng talumpati na hihikayat sa kawilihan ng tagapakinig, kung saan inilalahad ang layunin, kaagapay na ang istratehiya upang kunin ang atensyon ng madla. Maaaring simulan ito ng pagtatanong, pagbibigay ng mahalagang detalye, pagsasalaysay at iba pa. Ikalawa, ang Katawan, kung saan ito ay tinuturing na pinakakaluluwa ng talumpati, nararapat na ito ay sunod-sunod upang makakuha ng puntos. Ikatlo ay Paninindigan, ito ang bahagi ng talumpati kung saan pinapatotohanan ng mananalumpati ang kanyang sinabi sa bahagi ng katawan. At panghuli, ay Konklusyon, kung saan ang buong talumpati ay binubuod. Nasabi ring may dalawang uri ng talumpati, ang Daglian o Biglaan na hindi nabigyan ng sapat na panahon upang paghandaan at ang Handa, na kung saan ito ay karaniwang nagaganap sa pormal na okasyon at may sapat na haba ng panahon upang paghandaan.
                                    Sa kabuuan, sinasabing ang pagsulat ng talumpati ay mahalaga sapagkat sa pamamagitan nito ay maaari mong maipahayag ang iyong mga naisin sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ideya ukol sa isang bagay. Sa pamamagitan nito, maipapakita ang masining na paglalahad ng mga ideya sa madla sa pamamagitan ng pananalumpati, pagbibigay ng mga saloobin at magpapakita ng iyong pansariling konklusyon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento