Sabado, Enero 23, 2016

Balagtasan: Forever: Meron o Wala


Noong nakaraang Agosto 2015, Ako ay naging kalahok ng Balagtasan sa aking mahal na paaralan, ang Unibersidad ng Manila Central. Ang naging tema ng balagtasan, ay makabago at ito ang tumatalakay sa napapanahong Isyu na may kinalaman sa "Pag-ibig" At inihahandog ko sa inyo ang aking pyesa "Kampo Merong Forever"

Forever: Meron o Wala?



PAGPAPAKILA:
‘Sang maganda’t mapagpalang hapon po sa lahat!
Ako po si Jullianne Salao, nasa inyong harap
Makikipagtagisan kahit ito’y mahirap
Kaya’t kayo’y makinig, aking pakiusap
Forever dapat patunayan dito ng ganap
Ako’y mag-uumpisa na, ‘wag kayong kukurap.

PANIMULA:
Katanungan nila, forever ay mayro’n nga ba?
Anong forever, walang magpakailanman diba?
Pilit na tinatanggi, mga bitter lang pala
Hindi nila alam forever nasa kanila
Kung isasapuso  ay mararanasan mo na
Kaya’t  sumang-ayon ang forever totoo na.

UNANG PAGDEPENSA:
Ha! Walang forever nakikiuso lang ba yan?
Forever maraming makakapagpatunay n’yan
Mga taong nagmamahalan iningatan ‘yan
Ang lolo at lola ko pag-ibig nila’y ganyan
Katulad ng ‘sang batang nasa sinapupunan
Pag-ibig ng magulang simula’t walang hanggan

 PANGALAWANG DEPENSA:
Haba ba ng pagsasama ang dapat na batayan?
Oops teka lang tila nagkakamali kayo r’yan
Basta kapiling mo lagi forever na iyan!
Walang hanggang kaligayahan mararanasan
Ang ayaw umamin mga ampalaya lang yan
Haha! wala raw forever, kinikilig naman

PANGATLONG PAGDEPENSA:
Kung ang tao’y pilit na nagkakaunawaan
Tiyak forever ay kanilang nararanasan
Mga relasyon ay magiging pangmatagalan
Tiyak ito’y di mauuwi sa hiwalayan
Kung ang kanilang problema ay matutugunan
Dahil ang forever dapat laging may bigayan

HULING PANANALITA:
Ayaw pa bang maniwala? kayo’y tumingala
Sa kalangitan,forever di yan mawawala
Sa Diyos tayo ay kailangan magtiwala
Ang pagmamahal Niya sa atin forever nga.
Pagliligtas sa atin ni Hesus ay sapat na
Kaya’t maniwala forever ay totoo na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento